MANILA - Sinapak sa mukha at kinaladkad ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng isang motorista na nakasakay sa isang sports car sa Lungsod Quezon Huwebes ng umaga.
Ayon sa isang taga-MMDA, sinita ng kanyang kasama na si Jorvy Adriatico ang isang asul na Maserati na nagtangkang kumaliwa sa kanto ng Araneta Avenue papuntang Quezon Avenue bagamat bawal ito.
Aniya, kinuhanan ng video ni Adriatico ang Maserati na walang plaka pero may conduction sticker.
Imbes na kumaliwa, nag U-turn ang drayber ng Maserati sa Araneta bago tinawag si Adriatico.
Dito na sinuntok ng drayber si Adriatico, hinablot ang damit at pinaandar ang sasakyan habang kinakaladkad ang MMDA enforcer mula Araneta Avenue hanggang Scout Chuatoco.
"Dumugo ilong niya, namamaga ilong niya," ayon sa kasamahan ni Adriatico.
Hindi na nakuhanan ng taga-MMDA ang conduction sticker ng Maserati bago ito nakaalis. Naiwan din ni Adriatico ang kanyang cellphone sa sasakyan.
Napag-alamang nagka-fracture ang ilong ni Adriatico dahil sa insidente.
No comments:
Post a Comment